Maraming bagay sa mundo ang hindi pwedeng bigkisin sa mga kontrata ng relasyon. Iisa lang ang batas ng relasyon, pagmamahal. Kapag iyon ang nawala, wala na ring silbi ang katotohanan ng mga kontrata. Ang tanging katotohanang naiiwan ay ang pait ng pinawalang-bisang kontrata.
At kahit na anong pagkakait ang gawin, kahit na anong pagkukunwari ang ipantapal, kung talagang wala na ang pagmamahal, anuman ang kahulugan nito, anuman ang anyo nito, anuman ang ekspresyon nito, ay totoong tapos na nga ang kontrata.
At kung minsan ay tinatapos din ang relasyon kahit wala namang pag-ibig na tinatapos.
Totoong nakapanghihinayang. Dahil sino ba naman ang may gustong magputol ng mga ugnayan? Liban na lang kung marahil sa simula pa lang ay maling-mali na ang binubuong relasyon, anuman ang pagkakahulugan natin sa mali. Pero ano pa ang magagawa ng mga panghihinayang, ng mga buntong-hininga, kung kathang-isip na lang ang pagmamahal sa asawa, o kanino mang karelasyon, ay dahan-dahang magpapaunawa sayo ng dahan-dahan ding pagpigtal sa mga emosyong nagkukurdon sa isa’t isa.
Hindi pa rin naman talaga mahirap intindihin iyon, iyong paghihiwalay. Sino ba ang may sabing iisa lang ang dapat na puntahan ng mga relasyon? Sino ang maysabi na mali ang maghiwalay? Sinong maysabing lahat ng tinatapos na relasyon ay dapat na malungkot? Pwede rin naman sigurong maging masaya sa pagpilas ng mga dokumento ng ugnayan. Maaaring nandoon ang pait, hindi mo maiaalis iyon. Pero hindi ibig sabihin no’n ay dapat na malungkot ang lahat ng pagtatapos.
~ mula sa maikling kwentong Kasal ni Eli Rueda Guieb
0 Responses to “tapos. tapos?”